Martes, Marso 8, 2011

ang kagamitang pampagtuturo

Isang ulat-papel na ipinapasa kay Dr. Jane K. Lartec sa PhLEd 314: Special Topics in Language ni JENEFER C. TIONGAN



I. PANIMULA: 
                            Ang aming paksang tatalakayin ngayon  ay  tungkol sa Developing Instructional Materials in Language Teaching  o Paghahanda ng  Kagamitang Pampagtuturo sa Wika. Tatalakayin namin ang mga pananaw ng pagtuturo ng wika  ayon sa mga Behaviorist at sa mga  makabagong pananaw ,  mga modelo ng pagtuturo ng wika. ang kahalagahan ng Kagamitang Pampagtuturo, mga salik sa paghahanda ng kagamitan , mga modelong disenyo ng kagamitang  pampagtuturo ng wika, at mga isyu tungkol sa paghahanda ng kagamitang pampagtuturo.
                            Sa mga nakaraang dekada, nagsimulang  nagkaroon ng ibayong pansin sa pangangailangan ng mga kagamitang panturo bilang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga mag-aaral at upang magkaroon ng makahulugan at mabisang pagtuturo at pagkatuto. Sa  punto ng mga tradisyunal na pag-iisip, ang kagamitang panturo ay binubuo ayon sa paniniwala na sa pagtuturo dapat magsimula sa malinaw na layunin at pagtataya upang  mataya kung balido ang layunin, nilalaman, at pagkatuto  ng mga mag-aaral. Samakatuwid, ang pagtuturo noon  ay nakatuon lamang sa ANO ang ituturo at PAANO ituturo. Nakatuon pa rin ang pagtuturo sa mga tuntuning pangwika. Ito ay umaayon sa teorya ng mga “Behaviorist Psychology of Learning,”  na ang paniniwala sa pagtuturo  at pagkatuto ng wika ay “habit formation” na binubuo ng stimulus at response.
                           Sa bagong pananaw sa pagtuturo ng wika, nakatuong higit ang pansin sa pagkalinang ng kakayahang  komunikatibo  kaysa sa kabatiran tungkol sa wika. Ang kakayahang komunikatibo ay nauukol sa kakayahan sa aktwal na paggamit ng wika sa mga tiyak na pagkakataon.
                           Sa puntong ito, hindi natin makalilimutan ang ipinaliwanag ni Chomsky  na pagkakaiba ng  COMPETENCE  at PERFORMANCE. Ayon sa kanya, ang COMPETENCE ay nauukol sa kaalaman sa wika ng isang tao, samantalang ang PERFORMANCE ay ang kakayahang gamitin ang wika sa angkop na paggagamitan.
                          Samantala, pinaunlad naman nina Canale at Swain (1980) ang kakayahang komunikatibo ni Chomsky. Para raw masabi na ang isang tao ay may kakayahang komunikatibo sa isang wika kailangang tinataglay niya ang apat na elemento; linguistic o grammatical competence, socio-linguistic competence, discourse competence, at strategic competence.  Ang linguistic competence ay kakayahang umunawa at makabuo ng mga istruktura sa wika na sang-ayon sa tuntunin ng gramatika. Sa batayang ito, ipinakikita ng isang tao ang kanyang kahusayan sa paglalapat ng tuntunin ng  wika. Ikalawa, ang sociolinguistic competence ay isang batayang interdisciplinary. Isinasaalang-alang ng isang tao ang ugnayan ng mga nag-uusap, ang impormasyong pinag-uusapan, at ang lugar  ng kanilang pinag-uusapan. Isinasaalang-alang dito ang  kontekstong sosyal ng isang wika.  Ang ikatlo, ang discourse competence ay kakayahang bigyan ng interpretasyon ang isang serye ng mga napakinggang pangungusap upang makagawa ng isang makabuluhang kahulugan. Ang tagumpay ng pag-unawa sa isang diskurso ay sang-ayon sa kaalamang taglay kapwa  ng nag-uusap, “world knowledge” ng mga nag-uusap  at maging ng kaalamang lingwistika, istruktura at diskurso, at kaalaman sa social setting. Ang panghuling elemento na strategic competence ay tumutukoy sa mga estratehiya na ginagawa ng isang tao upang matakpan ang mga imperpektong kaalaman  natin sa wika.
                              Ipinakita rin ni Dell Hymes (Sining ng Komunikasyong                         Filipino:Ikatlong Edisyon,2010) sa binuo niyang akronim na SPEAKING ang kakayahang komunikatibo at ang mahalagang salik na sosyokultural at iba’t ibang sangkap na dapat isaalang-alang sa pagkakaroon ng epektibong pagpapahayag.

S-ettings                           (Saan-Lunan kung saan nag-uusap)
P-articipants                     (Sinu-sino ang mga kausap o nag-uusap)
E-nds                                (Ano ang layunin sa pag-uusap)
A-ct Sequence                  (Paano ang takbo ng usapin)
K-eys                                (Pormal o di-pormal ang takbo  ng usapan)
I-nstrumentalities              ( Pasalita ba o di-pasalita)
N-ouns                              ( Ano ang paksa  ng pinag-uusapan)
G-enre                               (Nagsasalaysay, nakikipagtalo o nagmamatuwid)

                             Ano ngayon ang kaugnayan ng mga pananaw  na nabanggit sa paghahanda ng kagamitang pampagtuturo sa wika?
                             Sa pagtuturo ng wika, dapat nating isaalang-alang ang mga apat na mahahalagang elemento o komponent: (1) mag-aaral, (2) guro, (3) metodo sa pagtuturo, (4) at pagtataya o ebalwasyon.  Samakatuwid , ganun din dapat sa paghahanda ng kagamitang pampagtuturo. Ano ba ang papel ng kagamitang pampagtuturo sa ating pagtuturo at pagkatuto ng wika?
                             Ayon kay Alwright (1990), ang mga kagamitan ay komokontrol sa  pagtuturo at pagkatuto. Ang mga ito”y dapat na   katulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral, ito ay  magsisilbing  pagmumulan ng mga ideya at mga gawain para sa  pagtuturo at pagkatuto (resource of ideas and activities for instruction and learning), at magsisilbing batayan o gabay ng guro  sa mga gawain.Ayon naman kay Kitao, K. (1995) sa kanyang papel na binuo tungkol sa paghahanda ng mga kagamitang pampagtuturo, iginuhit niya ang ilustrasyon na ganito:
                           

Huwebes, Marso 3, 2011

Pagkakaiba ng BEC at SEC

                                   
COURSE OUTLINE:

· BEC: Iba’t ibang uri ng aralin batay sa texto ng  Araling Panlipunan ang bumubuo sa bawat markahan. Hiwalay na ituturo ang araling pangwika (gramatika) at mga aralin sa texto.  

 2010SEC:  Nakatuon lamang sa isang akdang pampanitikan at angkop na araling pangwika kasama ang pamantayan sa pagganap  ang bawat  markahan. Magkasanib na itututro ang panitikan at  gramatika.

    
CONCEPTUAL FRAMEWORK:
BEC: Lilinang sa apat (4) na Kasanayang Makro: Pakikinig, Pagsasalita, Pagsulat at Pagbasa para sa Kakayahang Komunikatibo.

2010 SEC: Lilinang sa limang (5) Kasanayang Makro: Pakikinig, Pagsasalita, Pagsulat, Pagbasa at Panonood (naidagdag ito bilang pag-angkop sa             makabagong teknolohiya) para sa Kakayahang Komunikatibo at Kahusayan sa Pag-unawa’t Pagpapahalagang Literari.

CURRICULUM DESIGN:

BEC: Nagsisimula ang disenyo ng kurikulum sa Mga Layunin (Anu-ano ang mga layunin sa aralin?), Nilalaman (Ano ang paksa ng aralin?), Mga Kagamitan (Anu-ano ang mga kagamitang pampagtuturo na gagamitin ng guro?), Mga Istratehiya (Anu-ano ang mga pamamaraang gagamitin ng guro sa pagtututro?) at nagtatapos sa Pagtataya (Anu-ano ang mga panukat na gagamitin ng guro sa pagkatuto ng mag-aaral?).


2010 SEC: Nagsisimula ang disenyo sa (Antas 1) Inaasahang Bunga o Resulta (Ano ang dapat matutunan ng mag-aaral?), sinusundan ng (Antas 2) Pagtataya (Ano ang inaasahang produkto o pagganap na maipapakita ng mag-aaral?) at nagtatapos sa(Antas 3) Plano sa Pagkatuto (Anu-ano ang mga gawaing instruksyunal na gagamitin ng guro at ng mag-aaral?)

LESSON PLAN OUTLINE:
BEC: Ang balangkas ng Banghay-aralin ay pang-isang linggong aralin. Binubuo ito ng iba’t ibang bahagi batay sa araw-araw na talakayan.

2010 SEC: Ang bawat paksa (topic) ay may istandard na Antas 1 at Antas 2 (given). Ang Antas 3 ang maaaring baguhin/ayusin ng guro kung kinakailangan batay sa
kakayahan ng kanyang mga mag-aaral.


                                    

MGA ARALIN SA UBD

BATAYANG KONSEPTWAL NG FILIPINO
( Deskripsyon )

Tunguhin ng Kurikulum ng Edukasyong Sekondari ng 2010 (Secondary Education Curriculum) ang  Kapakipakinabang na Literasi para sa Lahat
 (Functional Literacy For All ) na  ibinatay sa mithiing Edukasyon para sa Lahat 2015 (Education For All  2015).

Kaugnay nito,  layunin  ng pagtuturo ng Filipino na malinang ang (1) kakayahang komunikatibo, at (2) kahusayan sa pag-unawa at pagpapahalagang literari 
ng mga mag-aaral sa lebel sekondari. Lilinangin  ang  limang makrong kasanayan -  pakikinig, pagbasa, panonood, pagsasalita at pagsulat  sa tulong ng iba’t ibang 
dulog at pamamaraan tulad ng Komunikatibong Pagtuturo ng Wika (KPW), Pagtuturong Batay sa Nilalaman (PBN) ng iba’t ibang tekstong literari(rehiyunal,
pambansa, saling-tekstong Asyano at pandaigdig), at Pagsasanib ng Gramatika at Retorika  sa Tulong ng Iba’t ibang Teksto (PGRT).

Isinasaalang-alang din ang pagsasanib ng mga pagpapahalagang pangkatauhan (Values Integration) sa pag-aaral at pagsusuri ng iba’t ibang tekstong literari.

            Sa pamamagitan nito at matapos mapag-aralan, masuri at magamit ang iba’t ibang teorya sa pagkatuto at paggamit ng wika, at pagsusuring literari,
inaasahang matatamo ng mga guro ng Filipino  ang mga layuning nabanggit batay sa inilarawan sa batayang konseptwal.

Ang Konteksto/Kaligiran


          Kalimitan, ang pagpapalit o pagbabago ng kurikulum sa Pilipinas ay isinasagawa tuwing ikasampung taon. Ngunit bunga ng  mabilis
 na pagbabago sa larangan ng edukasyon  at patuloy na paglaganap ng mga makabagong kaalaman at impormasyon, naniniwala ang Kawanihan
 ng Edukasyong Sekondari na  dapat nang isaayos ang kasalukuyang kurikulum  upang sa gayo’y makaagapay at matugunan nito
 ang mga pangangailangan ng ating lipunan at ng mga mag-aaral ng kasalukuyang panahon.


Naging batayan  sa pagsasaayos ng kurikulum ang mithiin  ng Edukasyon para sa Lahat 2015 (Education For All  2015) - ang magkaroon
ng Kapakipakinabang na Literasi ang Lahat (Functional Literacy For All). Tiniyak na ang mga binuong pamantayan, kakailanganing pag-unawa
at nilalaman ng  bawat asignatura ay makapag-aambag sa pagtatamo ng nasabing mithiin.
         

  Isinaalang-alang din ang resulta ng ginawang ebalwasyon ng implementasyon ng Kurikulum ng Batayang Edukasyon ng 2002
(2002 Basic Education Curriculum) sa pagsasaayos at pagdisenyo ng bagong kurikulum, gayundin sa ginawang pagsasanay ng mga guro
at  pagpapaunlad ng kakayahan ng mga punong-guro ng 23 pilot schools upang mahusay nilang mapamahalaan ang panimulang pagsubok
(pilot testing) ng binagong kurikulum.